SEPTEMBER NA, ber months na, ‘ika nga, at uso na naman ang katagang September, be good to me. Pero don’t worry magiging good talaga ang ating September, dahil simula na ang pinakamahabang selebrasyon sa ating bansa, ang Pasko.
Dito lang sa atin ‘yan, ang mahaba at siyempre masayang selebrasyon ng Pasko, kung saan kahit September pa lang ay nagpapatugtog na ang ilang Pinoy ng tugtugang pam-Pasko. Napakaganda naman talaga ng mga tugtuging pam-Pasko, dahil nakarerelaks talaga at masayang pakinggan sa ating tenga.
Ang iba rin sa atin ay nagsisimula nang magsabit ng mga Christmas décor na mga nagniningning, naggagandahan sa kani-kanilang bahay. Ang iba naman ay bumibili na ng mga regalo para sa kanilang mga mahal sa buhay, pamilya, kaibigan, at sa iba pa. Kahit ang ibang mall ay nagdi-display, nagbebenta na ng mga pang-dekorasyon, pang-regalo, at iba-iba pa para sa Pasko.
Napakasaya ng paghahanda na ito dahil Setyembre pa lang ay talagang nae-excite, natutuwa na sa darating na Pasko, birthday ng ating mahal na Panginoon. Pero ating tandaan, hindi lang sa pagpasok ng September o ber months ay ang pagpasok ng mahabang selebrasyon ng Pasko, ngunit ang pagtaas din ng mga krimen, aksidente, at delikado kung saan-saan man.
Tuwing ber months, doble-doble ang saya dahil sa selebrasyon na ito, pero doblehin din natin, mga kaibigan, ang ating pag-iingat, dahil tulad huling taon (2016), nang pumasok ang buwan ng Setyembre, ay umakyat ang bilang ng mga krimen tulad ng pagnanakaw.
Maging alerto tayo tuwing tayo ay nasa lugar na maraming tao dahil ang krimen, ang mga magnanakaw ay hindi na namimili ng oras, kaya ingatan natin ang ating mga gamit at siyempre ang ating mga sarili. Maging alerto sa ating pupuntahan lalo na kung maraming tao dahil baka hindi natin namamalayan ay nadukutan o nanakawan na pala tayo.
Hindi lang sa mga magnanakaw tayo mag-ingat, kundi pati na rin sa ating mga bibilhin para sa Pasko. Tulad ng mga bilihin tuwing pasukan na mga school supplies, tuwing ber months naman, mga bilihin na christmas light at iba-iba pang mga pang-regalo, tulad ng laruan at iba pa.
Mag-ingat tayo sa pagbili ng decoration, mga christmas light. Maging mapanuri sa pagpili o pagbili ng christmas light. Dapat nating i-check ang mga dapat i-check kung ito ay safe para makaiwas-disgrasya o sunog na maaari pang maging trahedya. Sa pagbili ng mga pang-regalo, lalo na ng laruan, maging maingat din tayo dahil ang ibang laruan ay maaaring may halong kemikal na maaring makasama sa mga bata. Kaya dapat marunong tayong tumingin sa mga ating mga bibilhin kung ito ay ligtas para walang maging problema.
Tayo ay maging maingat lagi sa ating mga gamit, sa ating mga sarili, at sa ating mga bibilhin kahit hindi selebrasyon ng Pasko o pagpasok ng ber months. Dahil ang aksidente nga ay walang pinipiling lugar, walang pinipiling tao, at walang pinipiling oras.
Sa pagpasok ng ber months, tayo ay maging masaya lang lagi lalo na’t mahabang selebrasyon na ng Pasko. Pero maging masaya na may pag-iingat para happy lang, walang bad vibes na mangyari.