Nalalapit na ang Undas. Isa nga ba itong pagdiriwang?
Mukang maling sabihin na pagdiriwang ang pagsapit ng undas. Mas maganda na isa tong pagalaala sa mga malalapit sa atin na namayapa. Maraming uuwi ng probinsya upang dalawin ang puntod ng kanilang mga kamag-anak mahal sa buhay. Ang ilan naman ay sa bahay lang mamamalagi at magpapahinga. Ang undas ay nagiging daan na din ng ilang magkakalayong pamilya upang muling magsama-sama. Karaniwang Nov 1 ang kapistahan ng mga kaluluwa.
Ang Undas naman ay tinatawag ding Araw ng mga Patay o Pista ng mga Patay. Nakasaad sa Wikipedia na Undas ang palansak na tawag sa mga ipinagdiriwang sa Pilipinas sa ganitong mga panahon.
Sinasabing nanggaling sa Mexico ang pagdiriwang ng Undas. Daang taon na umano ang nakalilipas nang gawin ng mga tao roon ang pagdiriwang ng araw ng mga patay. Ito ay noong mga panahong di pa nakararating sa kanila ang mga Espanyol, noong panahong paganong kultura ang nananaig sa Mexico.
Dito sa ating bansa, ang sentro ng pagdiriwang tuwing Undas ay sa sementeryo. Ang mga tao’y talagang nagpupunta sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang magbigay-pugay, mag-alay ng bulaklak pati na pagkain, magtirik ng kandila at magdasal. Nagiging panahon din ito ng reunion ang mga magkakamag-anak, kung kailan sila nakakapagkwentuhan ng matagal-tagal. Minsan pa’y naglalaro sila gamit ang mga baraha at iba pang pampalipas-oras. Sa mga nabanggit na dahilan ay di na nakapagtatakang marami ang dagsa sa mga sementeryo sa ganitong panahon.
Sa sementeryo dagsa ang mga mga nagtitinda ng mga kandila maging mga bulaklak sa gilid ng kalsada, hindi rin mawawala ang mga nagtitinda ng pagkain. Nuong ako ay bata pa ang aking lola ay gumagawa ng mga kakanin at aming dadalin sa sementeryo para meron kaming makakain ngayon bihira na o masasabi kong wala na yatang gumagawa nito sa ngayon.
Ngayong undas uuwi na naman kami para dalawin ang aming mga mahal sa buhay lalong lalo na ang aking mahal na Ina na 6 taon na mula ngayon ng sya ay pumanaw. Dagsa na naman ang mga tao sa bus terminal at isa na ako dun sa nagtitiis sa mainit at siksikan na pila, ngunit ang lahat ng ito ay balewalang sakripisyo kumpara sa pagaaruga sa akin ng aking mahal na Ina nuong kami au mga bata pa. Samantalahin ko na din ang pagkakataon na magpasalamat sa iyo Mama Beth sa lahat ng pagaaruga mo sa aming magkakapatid sa pagmamahal mo na walang katulad na kahit wala kaman sa aming tabi ngayun hindi ka man namin nakikita nayayakap nahahagkan ang iyong alala ay mananatili sa aming mga puso at isipan.
Bukod sa pagpunta sa sementeryo, maraming Pilipino ang nagtitirik ng kandila sa labas ng kanilang mga tahanan tuwing Undas. Tanda umano ito ng pag-alaala sa namayapang mahal sa buhay. Ang dami ng kandila ay depende sa bilang ng mahal sa buhay na kanilang pinagdarasal. Sa aming probinsya sa Nueva Ecija inuuwi namin ang mga natirang kandila sa aming bahay ngunit bawal itong ipasok sa loob ng bahay ayon sa kinaugalian, dahil dito ang kandila ay aming sinisindihan muli sa ilalim ng mga punong kahoy na namumunga upang ito ay lalong humitik sa bunga.
“Walang sinuman ang makakatumbas sa pagmamahal ng isang kapamilya!” Iyan ang tunay na diwa tuwing sasapit ang ganitong araw. Pagmamahalan ng tunay na magkapamilya, magkapuso at magkadugo. Hindi natin maipagkakait ang katotohanang nagbabadya sa ating pagkatao na tuwing sasapit ito, nagdadagsa ang mga tao pauwi sa mga probinsiya mula sa mga karatig na bayan dahil ito daw ang araw na nagkakasama-sama ang mga pamilya bukod sa pasko at bagong taon.
Kasabay ng pagdiriwang Undas 2014, kailangan nating matuto na lahat ng bagay dito sa mundong ito ay isang hiram mula sa itaas kaya markahan ang ilang sandali at gawin ang lahat ng iyong makakaya sa pamamagitan ng araw na ito.
Nguni’t sa diwa ng pananampalatayang Kristiyano, ang pag-alalay na ito ay may higit pang malalim na kahulugan. Ito ang diwa ng pag-aalay, ng pagkakaloob ng mga panalanging patungkol sa mga kaluluwa ng mga yumao. Bukod sa mga bulaklak na alay sa puntod, marami sa atin ang nag-aalay ng mga pamisa, at ng iba pang mga panalangin para sa kanilang ikaluluwalhati.
Ang lahat ng ito ay naghahatid sa atin sa isang higit na malawak na pagninilay tungkol sa kamatayan. Lahat tayo ay may angking takot sa pagkamatay. Marami sa atin ang sinasagian ng pangamba o takot kapag napag-uusapan ang pagkamatay. Maraming mga kultura sa ibang bansa, tulad ng America, na dahil sa sobrang pagpapahalaga sa pagkabata ay nakukublihan ang katotohanang ang buhay ay may wakas o hangganan. Ginagawa ng mga kulturang ito ang lahat upang itago ang kapaitan ng kamatayan.
Sa araw na ito, ang katotohanang ito ay hindi itinatago, bagkus, ipinagdiriwang. Ito ang kahulugan ng liturhiya – pagdiriwang, paggunita, at paghawak sa pangako ng hinaharap ng buhay ng tao. Ito ang maliwanag na sinasaad sa prepasyo ng patay. Sa pananampalatayang Kristiano, ang buhay ay hindi nagwawakas, kundi nagbabagong anyo lamang. Ang pagkamatay ay hindi siyang wakas ng buhay ng tao kundi daan patungo sa tunay na buhay.
Samakatuwid, ang kamatayan, ayon sa kristianong pagninilay, ay puno ng pangako, puno ng pag-asa. Kung gayon, ang mata ng pananampalatayang kristiyano ay iba ang nakikita sa karanasang makatao ng kamatayan.
Nguni’t hindi ito lubos na kristiano hangga’t hindi natin naaabot ang diwa at kabuuan ng lahat ng pagsasayang ito. Sa pagdiriwang, sa paggunita sa mga yumao, ang ating pag-alalay, at pag-aalay ay dapat mauwi sa rurok ng ating pagninilay – tungkol sa katotohanang ang hantungan ng buhay ng tao ay walang iba kundi ang Diyos. Siya ang nagkaloob ng buhay. Siya rin ang bumawi sa pahiram na buhay na ito. At Siya rin ang nagkakaloob sa atin ng pangako at katuparan ng buhay na walang hanggan.
Ano man ang dahilan at paano ito ginugunita, ang mahalaga pa rin sa darating na undas ay ipagdasal ang mga kaluluwa ng ating mga mahal sa buhay na namayapa.
Totoo nga naman, lahat tayo ay doon ang punta. Lahat din tayo ay mamamatay, nauna lang sila. Ang mahalaga, ay maayos ang buhay natin ngayon sa pakikipagkapwa, pakikibagay sa kalikasan at higit sa lahat, ang pamumuhay ng may takot sa Diyos.
Hindi natin alam kung kelan at hanggang saan tayo mabubuhay namamatili sa mundoong ibabaw, walang nakakaalam kung kailan tayo mamamatay. Totoong maiksi ang buhay kaya dapat nating ayusin, magsaya at gamitin sa tama ang isang buhay na hiram natin. Dahil baka sa susunod na Undas, tayo naman ang dadalawin.....
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento